Monday, August 16, 2010

trabaho at buhay ng tao

hindi namin kilala sa bahay ang TV Guide kung saan ako nagtatrabaho ngayon bilang Editorial Assistant. kaakibat ng sitwasyong ito, hindi rin nila alam kung ano ang trabaho ko, kaya ikinwento ko sa kanila.
madali lang ang trabaho ko. dahil nga editorial assistant, nag-e-edit ako. ako ang nag-aayos nung schedules ng mga shows ng mga tv networks kapag ipinadala na ito sa amin para ma=print sa magazine namin. madali lang 'yung trabaho ko sabi ko nga, kahit sino kayang gawin 'yun basta marunong magsulat at bumasa, at konting computer skills.
madali lang ang trabaho ko, lalo na kung ikukumpara dun sa mga taong nangangalakal ng bote at dyaro, mga naglalako ng cabinet at divider, nagbubuhat ng mga kawayang gagamitin ng kung sinu-sinong taong hindi nila kilala.
mas madali ang trabaho ko kung ikukumpara sa mga service crew na bukod sa mismong trabaho na pagsisilbi sa customer ay kasama pa ang pagtitiyaga nila sa ilan na feeling hari at reyna, prinsipe at prinsesa kung makapag-demand. customer is always right daw kasi, eh. di ako naniniwala sa paniniwalang 'to, para kasing nakaka-gago. hindi ko pa man aktwal na naransan ang maging isang service crew, nabu-bwisit na 'ko sa pagbabahagi pa lang ng ilang mga kaibigang nakaranas na.
madali lang ang trabaho ko kung ikukumpara sa mga full-time nating ina na talaga namang hindi matatawaran ang dedikasyon sa gawaing-bahay at pag-asikaso ng pamilya.
pero kung madali ang trabaho ko, paniguradong mas madali ang sa mga pulitiko. konting puhunan para sa mga banner at political campaign tuwing eleksyon, kapal ng mukha, at garapalang pandaraya, susweldo na sila buwan-buwan ng halagang tiyak na mas malaki kaysa sa mga taong matuwid, nagsisikap, at mga sunog ang balat sa init ng araw. magtrabaho man ang mga pulitikong ito, mandaya, manloko, o matulog lang, kikita at kikita pa rin sila. hmmm, ba't nga ba hindi na lang tayong lahat ay maging pulitiko?
madali 'yung trabaho ko kasi nakapag-aral ako, 'yun lahat at 'yung mga susunodpa, utang ko sa mama ko at sa nanay ko. dati iniisip ko talaga na patas ang mundo pero nung tumanda na 'ko, nakita ko, namulat ako na hindi pala 'yun totoo. may mga taong sadyang (ayokong gamitin 'yung salitang malas, hindi kasi ako naniniwala dun) hindi pinagpala, may mga tao namang pagkasilang, wala nang kailangan pang gawin para mabuhay, kaya ang ginagawa nila, mga pamamaraan para madali silang mamatay, dun lang siguro nila nararamdamang buhay sila. pero hindi ko naman nilalahat, may mga kilala lang talaga 'ko.
kung napansin mo, walang kaisahan 'tong isinulat ko, wala lang, kung ano'ng pumasok sa isip ko, 'yun na 'yun.

No comments: